May mga ilan na tayong narinig at nabasang mga istorya tungkol sa pagtatayo ng isang negosyo na naging matagumpay at mayroon din namang hindi naging successful. Isa sa mga tinitingnang dahilan kung bakit hindi naging matagumpay ang isang negosyo ay dahil sa lokasyon kung saan ito nakatayo. Kung nais nating magtayo ng isang business na sa tingin natin ay papatok, dapat din ba nating isaalang-alang ang lokasyon kung saan natin itatayo ang ating negosyo? Gaano ba talaga kahalaga ang isang lokasyon pagdating sa pagtatayo ng business?

Location is the key to most businesses, and the entrepreneurs typically build their reputation at a particular spot. - Phyllis Schlafly


Nang minsang bumisita ako sa Vigan, Ilocos Sur, hindi ko naiwasang matigil sa isang antique shop sa may Calle Crisologo. Ang Calle Crisologo ay kilalang Cultural at Historical Heritage Tourist Attraction sa lalawigan ng Ilocos Sur. Makikita dito ang iba't ibang uri ng tindahan kung saan may mga tindang produkto na may tatak Ilocos gaya ng Ilocano Empanada, Bibingka, mga habing bag, mga tela, at mga antique na kahoy na pang-display sa bahay. 


Ang Calle Crisologo ay ginawang sentro ng turismo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur  dahil sa mga lumang bahay nito at makulay na kasaysayan. Maraming negosyo sa loob at paligid ng Calle Crisologo ang itinayo dito na nagpapakita ng iba't ibang pagkain at kulturang Ilocano. Patok ito sa mga dayuhan at lokal na turista para sa kanilang souvenir items sa pagbisita sa Ilocos Sur.


Kung hindi naging sentro ng turismo ang Calle Crisologo, sa tingin nyo kaya magiging patok ang mga negosyo dito? Sino kaya ang magiging customer ng mga tindahan at kainan dito? Pero hindi lahat ng lugar ay kagaya ng Calle Crisologo na pwedeng ideklara na sentro ng Kultura at Kasaysayan. 

Tips sa Paghahanap ng Tamang Lokasyon Para sa Iyong Negosyo

Ang pinakamahirap sa lahat sa pagtatayo ng isang business ay ang paghahanap ng isang magandang lokasyon na sa tingin mo ay pupuntahan talaga ng tao. Narito ang ilan sa mga dapat tandaan sa paghahanap ng tamang lokasyon para sa itatayo mong negosyo:
  • Proximity. Isipin mong mabuti kung ang lugar ba na iyong napili ay maraming tao o dinarayo ng tao. Yan ba ay malapit sa school, o sa may terminal ba ng tricycle, o sa may malapit sa opisina o construction site kaya?
  • Floor Area of Location. Importante kung gaano kalaki ang lugar na pagtatayuan mo ng iyong negosyo dahil dito mo malalaman kung gaano din kalaki ang magiging puhunan mo sa iyong negosyo. Tandaan, kung ang lugar na iyan ay rerentahan mo lang at masyadong malaki ito, baka mapunta lang sa renta ang kikitain mo sa negosyong itatayo mo. Malulugi ka kung ganun. 
  • Accessibility. Madali bang puntahan ang lugar na pagtatayuan mo ng negosyo? Lahat ba kaya o maaaring pumunta dyan, may sasakyan man o wala? Pwede din kaya ang mga persons with disability (PWD) sa pagtatayuan mo ng negosyo?
  • Noticeability. Ang tindahan o restaurant ba na itatayo mo ay kapansin-pansin o agaw atensyon? Ano ang magiging hitsura nito sa loob at labas? Ano ang magiging "gimik" mo sa negosyo mo para mapansin? 
  • Competition. Ang kompetisyon sa negosyo ay healthy o mabuti para sa isang negosyo. Dito masusukat kung talagang papatok ka sa negosyong itinayo mo. Pero maaari ka ding magtayo ng business sa isang lugar na ikaw lang ang meron dun sa lugar na iyon. Sa gayon, ang mga customer mo ay unique o iyong-iyo lang.


Tandaan: hindi lahat ng lokasyon ay may kasiguruhan na kikita ka. Isipin nyo na lang ang SM Mall of Asia ay itinayo sa napakalayong lokasyon para sa mga naninirahan sa CAMANAVA area. Pero dahil gusto itong mapuntahan ng mga nakatira sa CAMANAVA area, talagang pupuntahan at pupuntahan nila ito kung kinakailangan kahit malayo. Pag-isipan mong mabuti ang lahat bago mo ituloy.

Hanggang sa muli!