Mahigit isang buwan na din ang nakalipas simula nang magpatupad ang ating pamahalaan ng Enhanced Community Quarantine (o ECQ) sa buong bansa dulot ng pandaigdigang pandemic na COVID-19. Kailan lang, lalo pang pinahaba ang ECQ mula sa orihinal na April 15 na pag-lift o pag-alis ng ECQ sa buong bansa ay na-extend ito hanggang April 30, at ngayon ay lalo pang pinahaba ng hanggang May 15, 2020.
Ordinary people think merely of spending time, great people think of using it. - Arthur Schopenhauer, a German philosopher
Simula nung March 15 nang magsimula ang ECQ lockdown, marami na sa atin ang natigil sa pagtatrabaho at sinusubukang manatili sa kanilang mga bahay upang makaiwas sa sakit na COVID-19. Karamihan sa atin ay halos walang ginagawa sa bahay kung hindi matulog, manood ng TV or mag-streaming sa Internet, at kumain o maghintay ng tulong. Ang tanong, sobrang bagot ka na ba?
Sa panahon ngayon, paano ka magiging produktibo sa pananatili mo sa inyong bahay? Napakarami ang pwede mong gawin sa bahay! Tingnan ang aking listahan sa ibaba.
Mga Bagay na Maaari Mong Gawin Upang Maging Productive Ngayong ECQ Lockdown
Sabi nga nila, achievement unlock ka kung nakatapos ka ng isang bagay at nagawa mo ito ng maayos. Feeling mo productive ka na sa lagay nyan! Ang salitang productive ay isang salita na ang ibig sabihin ay sukat o measure ng kahusayan (efficiency) ng isang proseso kung saan ang pagsisikap na ginawa mo sa isang bagay sa loob ng isang pahanon ay mayroong mahusay na katapusan (o end product).
Halimbawa, kung ikaw ay nanood ng "Crash Landing on You" Korean series at natapos mo ito sa loob lamang ng isang araw, at feeling mo achievement ito para sa iyo dahil hindi ka naman talaga nanunood ng Korean drama, maituturing mo itong isang productive na gawain. Narito ang ilan pang mga bagay na pwede mong gawin para maging productive ka:
- Maglinis ng bahay. Baka nakakalimutan mong hindi naglilinis mag-isa ang bahay nyo at kailangan na itong linisan. Tandaan: ang COVID-19 ay nakukuha sa droplets na nanggagaling sa mga taong meron na nito. Upang makaiwas talaga sa mga droplets, maglinis at mag-disinfect ng bahay!
- Matuto ng bagong recipe. Ika nga nila, luto-luto din kapag may time! Eh ang dami mong oras nyan, di ba? Turuan ang sarili ng mga bagong putahe mula sa mga relief goods na nakuha mo at mga sangkap na meron sa bahay nyo. Pwede mo ding turuan mo ang sarili mo na mmag-bake! Maging creative sa pagluluto at siguraduhin mo lang din na yan ay good for human consumption.
- Magligpit ng mga gamit. Decluttering ang tawag dito sa English at sa tingin ko ay ito na ang tamang panahon! Sabi nga ni Marie Kondo, kung walang spark yung gamit, itapon mo na! Anyway, in my case, hindi ko akalain na marami na pala akong novels na nabili na hindi ko pa nababasa at natuklasan ko ito nung nagligpit lang ako ng mga gamit ko sa kuwarto. Maraming mga alaala ang nagbalik sa mga nakita ko sa pagliligpit ko. Malay nyo kayo din!
- Magbasa ng novels o libro. Pagkakataon mo na tapusin ang novels na yan na matagal mo nang nabili o kaya ay magbalik-aral sa pagbabasa ng mga book mo sa school! Pramis, nakaka-improve siya ng vocabulary at knowledge para naman may maisagot kang kapaki-pakinabang at hindi yung "ikaw na ang matalino" o "eh di wow!" lang ang isasagot mo sa tuwing may debate sa Facebook comments!
- Mag-exercise. Karamihan sa atin ay kain-tulog lang ang ginagawa ngayong ECQ lockdown. Siguro oras na maggalaw-galaw naman kahit nasa loob lang ng bahay. Try mo kayang mag-Tabata workout! Tingnan ang video sa ibaba!
- Mag-catch up episode watching ka. Kung hilig mo lang ding mag-Netflix and chill, sige lang go! Kung nais mong balikan yung mga napanuod mo na series, sige balikan mo lang lalo na kung may susunod na season na nakaabang. Walang pipigil sa iyo lalo pa ngayon ang dami mong time, right? Sa mga old school naman, DVDs or CDs watching naman ang gawin mo.
- Balikan ang mga larong pambata. Kung malawak lang din ang bakuran nyo, bakit hindi nyo balikan yung mga dating laro na alam mo na pwede mong ituro sa mga anak mo o sa pamangkin mo para hindi naman puro cellphone at tablet lang ang hawak nila at hawak mo. Yung mga pamangkin namin, tinuruan ng kapatid kong mag-piko! Masaya na, nakakapag-exercise pa sila!
Ang ECQ lockdown na ito ay maaaring isang sumpa o isang biyaya at hindi naman talaga kailangang maging productive tayo. Pero para gumana ng husto ang ating utak at maiwasan ang sobrang pag-iisip, importante na meron tayong gawin na kapaki-pakinabang o maging productive maski papaano. Nasa sa atin na lang kung paano natin ito gagawin.
Ikaw, ano pa ang mga naisip mo para maging productive ngayong may mahabang ECQ lockdown? Share mo naman sa comments section!
Hanggang sa muli!
0 Comments