Ang paglilinis sa loob ng bahay o sa may labas ng bakuran ay kadalasang itinuturing na isang mabigat na gawain para sa mga batang katulad mo. Nautusan ka na ba ng iyong nanay na magwalis ng sahig ng bahay o ng bakuran? Nautusan ka na ba ng tatay mo na itabi ang mga laruang pinaglaruan n'yo ng kaibigan mo kanina? Nasubukan mo na bang maglinis ng mga bintana at mag-alis ng mga alikabok sa mesa? Nililigpit mo ba ang mga pinaghubaran mong maruming damit o itinatambak mo lang ito sa kung saan-saan? 

Kung hindi mo pa nagagawa ang mga gawain sa itaas, baka ikaw ay isang batang mahilig sa mga kalat! Kung ang paligid mo ay maraming kalat o mas kilala sa wikang Ingles na "clutter", ikaw ay nagpapakita ng isang ugali na hindi kaiga-igaya. Ang mabuting bata ay parating malinis, hindi lamang sa kanyang katawan, kung hindi pati na rin sa kanyang kalooban at kapaligiran!

The objective of cleaning is not just to clean, but to feel happiness living within that environment. - Marie Kondo


"Paano ba ang maging malinis?"

Ang pagiging malinis sa loob ng bahay at sa paligid ay ang pagpapakita ng pagiging organisado mo sa isang bagay. Halimbawa, kung pinagsasama mo ang mga aklat mo nung Grade 2 ka pa upang hindi mahalo ang mga ito sa mga aklat mo nung Grade 1 ka, ito ay pagpapakita ng pagiging isang organisado o pagpapakita ng kaayusan sa isang bagay. Kung ang isang bagay o lugar ay malinis, lalabas dito ang pagiging organisado at pagiging maayos ng taong naglinis nito. 

Ang isang bagay ay organisado at hindi makalat, sa bahay man, paaralan, opisina, o pampublikong lugar gaya ng sakayan ng jeep, ito ay magiging malinis tingnan para sa mga mata ng tumitingin. Ang isang bagay o lugar. kung ito ay malinis, ay nakakapagbigay-saya sa taong tumitingin nito. Di ba binabati ka ng nanay mo kung ikaw ay naglinis ng iyong kuwarto? Masaya ka ba? Oo naman!

Minsan, sa dami ng iyong lilinisin, hindi mo na alam kung saan ka magsisimula. Narito ang mga mumunting hakbang upang masimulan mo ang pagiging organisado at maranasan mo na ang kalinisang hinahangad:

  • Ilagay ang mga tuyong pinaghubarang damit sa loob ng lalagyan ng marumihan o laundry basket. Isabit ang basang damit at hayaan muna itong matuyo bago ilagay sa lalagyan. 
  • Huwag paghaluin ang mga maruming damit sa malinis na damit. Ipasok ng cabinet o aparador ang mga malilinis na damit. Tikluping mabuti ang mga damit upang hindi magkalukot-lukot kapag ito ay sinuot mo na.
  • Isalansan ang mga ginagamit mong aklat sa isang mesa na madalas mong gamitin sa pag-aaral o at least dun sa malapit sa lugar na ito upang madali mo agad makuha ang aklat na kailangan mong gamitin.
  • Pagsama-samahin ang mga lumang aklat na hindi mo na ginagamit. Maaari mo pa itong magamit at balikan sa mga susunod na taon upang makita at pag-aralang muli. 
  • Kung mayroong isang space o lugar sa bahay n'yo na hindi naman ginagamit, halimbawa sa isang kuwarto na hindi ginagamit, magtanong sa mga magulang mo kung pwede mo itong palagyan ng bookshelf o kaya ay gawing isang silid-aralan o munting aklatan.
  • Kung hindi mo naman gagamitin na ang aklat na nakakalat, i-donate ang mga ito sa mga mas nangangailangan nito.
  • Ang mga laruang pinag-iingatan ay nagtatagal ng mahabang panahon. Hindi sa hindi mo na lalaruin ang mga laruan mo upang ito ay magtagal, kung hindi iligpit mo ng maayos upang ito ay mapakinabangan mo pa o ng iba sa hinaharap. Maraming mga toy collectors o iyong mga nangongolekta ng laruan sa ngayon ay mga maiingat sa laruan noong mga bata pa sila. Pwede mo silang maging idolo pagdating sa pagngangalaga ng mga laruan!

Maraming iba't ibang bagay pa ang maaari mong linisin sa araw-araw hindi at lamang ang mga nakasulat sa itaas. Maaaring mga pinggang pinagkainan, yung lababo sa banyo n'yo, mga sapatos at tsinelas sa bahay, at kung ano-ano pa ay maaari mong linisin anumang oras mong naisin. 

Sa huli, kung makita mong malinis at maayos ang iyong mga gamit at kapaligiran, sigurado ako na magiging masaya ka din sa pagtingin sa mga ito dahil pinaghirapan mong linisan at ayusin ang mga gamit mo!  

Hanggang sa muli!