Ilang panahon pa ang lilipas mula ngayon, darating sa buhay estudyante mo ang pagkakataong makapagsulat ng iyong mga karanasan, personal na opinyon o sanaysay, o maikling kwento tungkol sa isang bagay, miyembro ng pamilya mo, kaibigan o kilalang tao, o kapaligiran. Ang mga nabanggit ay maaaring isulat sa malayang pamamaraan. Ano at paano nga ba ang malayang pagsusulat?

The scariest moment is always just before you start. After that, things can only get better. - Stephen King

Ang malayang pagsusulat ay tinatawag din na creative writing sa Ingles, o malikhaing pagsulat naman sa Wikang Filipino. Ang pagsusulat ng may laya ay hindi ginagamitan ng kahit na anong sukat o istriktong panuntunan sa pagsusulat. Hindi ito katulad ng tradisyunal na pagsusulat ng mga balita o komentaryo sa TV, dyaryo, radyo, at Internet (o kaya ay paggawa ng mga research paper) na may sinusunod na sukat at panuntunan sa tamang pagsusulat. Sa madaling salita, ang malayang pagsusulat ay isang uri ng informal writing.

Sumulat ng Malaya

Ang layunin ng isang malayang pagsulat ay ang makapukaw ng damdamin, makapag-bigay ng atensyon, at makapagbigay ng pang-unawa sa mga mambabasa. Ang ilan sa mga halimbawa ng malikhaing sulatin na sinulat ng may laya ay mga maiikling kuwento, mahabang nobela, script sa teleserye o pelikula, mga dula, mga tula, at iba't ibang klase ng awitin. Ngunit paano ba talaga ang sumulat ng may laya?

Narito ang ilan sa mga dapat nyong tandaan upang ikaw ay makapagsulat ng may laya:

  • Simulan mong magsulat agad agad. Sa kahit na anong pamamaraan pa yan, mapa-computer man o tradisyunal na pagsusulat gamit ang ballpen at papel, hayaan mong ang mga daliri mo sa kamay ang malayang magsulat. Kaya nga ito tinawag na "pagsusulat" at hindi "pag-iisip" dahil na din sa pamamaraang nabanggit. Ang lahat ng bagay na maisip mo ngayon ay sulatin mo na agad upang hindi mo makalimutan at hayaang ang mga daliri mo na ang tumapos ng mga salita at pangungusap. Ang isang paksa ay maaaring ginagamitan ng pag-iisip, ngunit kung paano mo ikukuwento ang isang paksa ay ginagamitan ng pagsusulat. Isang magandang practice sa mga manunulat ay ang pagdadala ng maliit na notebook at ballpen kung sakaling may maisip silang bagay na maaari nilang sulatin agad.
  • Sumulat gamit ang iyong puso. Karamihan sa mga manunulat ay magsasabi sa iyo ng "write your first draft with all your heart" dahil sinasabing mas mararamdaman ng isang mambabasa ang iyong akda kung ito ay sinulat mo ng mula sa puso at ng buong puso. Kadalasan, ang mga salitang binibitawan ng puso ay tumatagos sa puso ng nakakatanggap ng mga salita. Bakit tayo naiiyak kung pinagsasalitaan tayo ng masakit? Bakit may mga kantang masakit pakinggan at may mga kanta namang masayang pakinggan? Bakit tayo kinikilig kapag nakakapagbasa tayo ng romance novels o naririnig ang mga binitawang salita ng paborito nyong loveteam sa pelikula? Bakit tayo naaapektuhan sa isang personal na opinyon na iyong nabasa? Iisa lamang ang sagot dyan --- puso.
  • Mag-edit gamit ang iyong isipan. Heto nga't meron ka na nung first draft mo ng kanta o nobela, ano ang iyong susunod na hakbang? Simple lang, kailangan mong i-edit ito kung may na-miss kang dapat ilagay sa una mong draft o may mga hindi ka kanais-nais na naisulat. Tandaan mo, hinayaan mong ang mga daliri mo sa kamay ang sumulat, kaya hindi ka masyadong nag-isip, Ngayon, basahin mong mabuti ang iyong first draft baka may gusto kang idagdag sa mga naisulat mo na. Habang ginagawa mo ang pag-edit, i-check mo na din kung tama ang spelling ng mga salitang sinulat mo. Ang pag-edit ay isang mahalagang gawain sa pagsusulat. Ginagawa ito matapos mong sulatin ang iyong first draft at matapos mabasa ang iyong ginawa.

Para sa iba pang mga dapat nyong malaman tungkol sa pagsusulat, panoorin nyong mabuti ang napaka-informative na video sa ibaba:


So ayun, sana ay may natutunan ka sa pagbabasa ng araling ito tungkol sa pagsusulat. Sa tingin mo, ginamitan ko ba ng malayang pagsulat ang paggawa ko sa aralin natin ngayon? Sabihin mo ang iyong komento sa ibaba!

Hanggang sa muli!