Alam n'yo ba na noong taong 2012, sa bansang America pa lamang ay nagkaroon na ng mahigit-kumulang na $3 bilyong dolyar na halaga ng medical malpractice o iyong maling pagsasagawa ng mga operasyon sa isang pasyente? Tinatayang sa buong mundo, mayroong nagaganap na medical malpractice sa bawat minutong lumilipas. Kaya kung hindi natin alam na tayo ay naging biktima na ng medical malpractice procedures na ito, maaaring ang buhay natin o ang buhay ng mahal natin ang susunod na nakataya.

All medicine is made to make you better. If it did the opposite, it would be malpractice. --- Chael Sonnen

Ano nga ba ang "Medical Malpractice"?

Kapag ikaw ay sumailalim sa isang medical treatment o procedure (naoperahan), mapa-medical o dental procedure man, at ikaw ay nasaktan o napahamak o sa madaling salita ay hindi naging matagumpay ang operasyon mo dahil sa hindi ka nakatanggap ng sapat na atensyong medikal, o hindi kaya ay nagkamali ng tingin o diagnosis sa iyo ang iyong doktor para sa iyong sakit at ikaw ay naoperahan para sa maling sakit, ikaw ay maaaring nakaranas ng isang medical malpractice

Sa Pilipinas, mayroon tayong tinatawag na Senate Bill No. 1720 o iyong tinatawag na "Anti-Medical Malpractice Act of 2004" na naglalayong protektahan ang mga consumer na katulad mo at tulad nating lahat laban sa mga maling gawang dulot ng medical malpractice. Ang "Anti-Medical Malpractice Act of 2004" ay naglalayon ding parusahan ang mga medical practioner na gumawa ng pagkakamali sa pagbibigyan ng atensyong medikal sa kanyang pasyente.

Pero bago mo sabihing ikaw ay nakaranas ng isang medical malpractice procedure at ikaw ay magsampa ng kaso, dapat ang lahat ng apat (4) na kondisyong ito ay naranasan mo sa isang medical practitioner:
  • Dapat ay nagkaroon kayo ng doctor-patient relationship. Bago ka magsampa ng kaso o reklamo para sa isang medical malpractice, dapat ay at least man lang mapatunayan mo na nagkaroon kayo ng doktor mo o ng kahit na sinong medical practioner pa yan ng isang ugnayan na nangangailangan ng atensyong medikal. Sa madaling salita, binayaran mo ang iyong doktor upang ikaw ay gamutin o suriin at ang naturang doktor ay pumayag na ikaw ay gamutin o suriin din.
  • Dapat ay may nangyaring kapabayaan sa panig ng doktor. Ang isang medical practioner ay maaaring managot para sa kanyang medical malpractice kung ang kakayahan niya bilang doktor ay hindi sapat upang magsagawa ng isang medical procedure o panggagamot o kaya ay isang diagnosis. Halimbawa, ang isang medical assistant ay nagsagawa ng isang minor na medical procedure sa isang tao kahit na hindi siya lisensyado na gawin ito ay isang medical malpractice. 
  • Dapat ay nagkaroon ng kapahamakan habang isinasagawa ang isang medical procedure. Ang isang "kapahamakan" sa medical malpractice ay maaaring isang maling pagtahi sa sugat, maling diagnosis sa isang pasyente, hindi agad nabigyan ng lunas na nagresulta sa paglala ng sitwasyon ng pasyente, hindi pagsasabi ng maaaring maging kapahamakan sa gagawing operasyon, o worse case scenario, ang kamatayan ng pasyente. Ngunit, kahit na may nangyaring kapahamakan sa pasyente, kinakailangan pa ding mapatunayan ng pasyente (o ng pamilya nito) na nagkaroon nga ng kapabayaan sa panig ng doktor na nagsagawa ng medical procedure bago pa niya ito kasuhan. Maaari lamang mangyari ito kung ang pasensya (o ang pamilya nito) ay makakakuha ng isa pang medical expert upang makapagbigay ng kanyang testimonya na ang doktor na kinakasuhan ay nagkaroon nga ng kapabayaan.
  • Dapat ang kapabayaan ay nagresulta ng pinsala sa pasyente. Ang kapabayaan ng isang doktor na nagdulot ng isang pinsala sa pasyente ay maaaring gamiting dahilan upang makapag-file ng kaso. Ano mang pinsala -- pisikal o mental man, pagkawala ng trabaho, o kamatayan -- ay maaaring sapat na upang magamit mo bilang ebidensya sa pagkakaroon ng isang medical malpractice procedure.

Sinasabing dapat na "present" lahat ang apat na nabanggit na mga kondisyon sa itaas bago ka tuluyang mag-file ng kaso sa piskalya para sa medical malpractice na naranasan mo. Kung kulang ng isa o higit pa sa mga kondisyong nabanggit, maaaring mahirapan kang mapatunayan na nagkaroon nga ng isang medical malpractice habang ikaw ay nagpapagamot o sumailalim sa isang medical procedure ng medical practioner na inatasan mong manggamot sa iyo.

Lahat tayo ay may karapatan na makatanggap ng maayos na medical attention mula sa ating mga medical practioners gaya ng doktor, dentista, nurse, X-ray operator, at marami pang iba. Ngunit kung ang mga naatasan nating magligtas ng ating buhay kung tayo ay may sakit o kung tayo ay napahamak ay ang siya pang magdudulot pa sa atin ng matinding pinsala dahil sa kanilang kapabayaang medikal, kanino pa tayo hihingi ng atensyong medikal? 

Ikaw, nakaranas ka na ba ng medical malpractice? I-share mo naman sa comment section sa ibaba!

Hanggang sa muli.